CAUAYAN CITY – Wala pang gabay ang mga otoridad sa pagsisiyasat sa pagbaril at pagpatay sa mag-asawa sa Planas, Ramon, Isabela.
Ang mga napatay ay ang mag-asawang Victor at Marlyn Benito, residente sa nasabing lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa anak ng mga biktima, sinabi ni Lyn na wala silang alam na dahilan para pagbabarilin ang kanilang mga magulang.
Masuwerte umanong hindi natamaan ang dalawang apo ng mag-asawa na natutulog din sa kanilang bahay.
Simple lang umano ang pamumuhay ng kanilang mga magulang at wala naman silang kinakaharap na anumang kaso.
Samantala sa pagsisiyasat ng pulisya, maaring unang binaril si Gng. Marlyn Benito bago isinunod ang kanyang mister.
Agad na tumakas ang mga salarin matapos magising ang mga anak ng mag-asawa na kapitbahay lamang nila.
Noong 2014 ay pinatay din ang kapatid ni Gng. Marlyn Benito na kinilala sa pangalang Ansang dahil sa paratang na siya ay mangkukulam.