--Ads--

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may sakay na 38 Pilipinong crew members ang MV Hondius, isang cruise ship na pinagsususpetsyahang may hantavirus outbreak na kumitil na ng tatlong katao.

Ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Albert Domingo, ang naturang barko ay kasalukuyang naka-dock sa Cabo Verde sa Atlantic Ocean at may lulan na mahigit 100 pasahero at crew members, kabilang ang mga Pilipino.

Nilinaw ng DOH na batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) at International Health Regulations, walang sakit ang 38 Pilipinong crew members.

Patuloy na inaantabayanan ng ahensya ang posibleng repatriation ng mga Pilipino, subalit depende pa ito sa cruise ship operator.

--Ads--

Ipinaliwanag din ng DOH na ang hantavirus ay isang bihira ngunit kilalang sakit na nakukuha mula sa pagkakalantad sa dumi o ihi ng mga infected na daga. Ayon pa sa ahensya, wala umanong naitatala na kumpirmadong kaso ng hantavirus sa Pilipinas.

Bagama’t may ilang lumang ulat noong 1992, binibigyang-diin ng DOH na patuloy pa itong bineberipika kung tunay ngang hantavirus ang mga iyon.

Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat at pananakit ng katawan, na kahawig ng leptospirosis at dengue.

Tiniyak ng DOH at Bureau of Quarantine na mahigpit nilang minomonitor ang sitwasyon, at kasalukuyang nasa quarantine ang barko habang nakaantabay ang mga kaukulang ahensya.

Pinawi rin ng DOH ang pangamba ng publiko, sinabing wala umanong dapat ikabahala sa kasalukuyan, bagama’t patuloy nilang binabantayan ang iba pang mas laganap na sakit tulad ng tuberculosis at HIV.