--Ads--

Nasawi ang isang 16-anyos na binatilyo matapos ma-trap sa loob ng isang 17 metrong lalim na balon sa bayan ng Pinukpuk, Kalinga.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay si Justine, di tunay na pangalan at residente ng Junction, Pinukpuk. Nabatid na tinatapos nito ang kanyang trabaho sa loob ng balon sa Barangay Taga nang biglang magkaroon ng power interruption na naging dahilan upang huminto ang blower na nagsusuplay ng hangin sa loob ng balon.

Ayon sa mga awtoridad, posibleng nakaambag sa pagkamatay ng biktima ang pagkawala ng suplay ng hangin, bagama’t hindi pa tiyak ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkasawi habang hinihintay ang resulta ng mas masusing pagsusuri.

Inamin naman ng kasama ng biktima na siya ay nag-panic at una nitong sinubukang hilahin ang pulley upang maiangat si Justine palabas ng balon bago humingi ng tulong.

--Ads--

Gayunman, hindi na nakalabas ang biktima at nanatiling na-trap sa loob ng malalim na balon.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat hinggil sa insidente at nagsagawa ng rescue at retrieval operation sa lugar.

Matapos ang halos apat na oras na operasyon, matagumpay na narekober ng mga responder ang katawan ng binatilyo.

Ayon kay Pinukpuk Chief of Police PCapt. Tyrone John Balanay, idineklara nang dead on the spot ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang lahat ng pangyayari na humantong sa insidente.