--Ads--

Pinaniniwalaang nalason sa gas at nawalan ng oxygen ang isang 17-anyos na lalaki na naging sanhi ng kanyang pagkamatay habang naghuhukay sa loob ng isang balon sa Pinukpok, Kalinga nitong Agosto 11.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FInsp. Romarico Dacuycuy III, Acting Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection-Pinukpok, nakatanggap sila ng ulat bandang alas-8:20 ng umaga na may nahulog sa isang balon.

Batay sa paunang imbestigasyon, kasama ng biktima ang kanyang tiyuhin sa pagtatrabaho upang palalimin ang balon na dati nang may lalim na humigit-kumulang 15 metro.

Ayon sa salaysay ng mga kasama nila at ng may-ari ng bahay, pinalalalim pa ang balon upang madagdagan ang tubig, habang tinatayang dalawang metro ang idinagdag sa lalim nito.

--Ads--

Sa pagbaba ng biktima, lubid lamang umano ang ginamit bilang panghila at wala itong safety harness o lifeline. Nakapuwesto rin umano ang binatilyo sa isang timba habang ibinababa sa balon.

Bago pa man bumaba ang biktima, napansin umano ng mga kasama nito ang amoy na parang solvent o gas mula sa loob ng balon.

Nang biglang gumaan ang lubid na ginagamit sa pagbaba, napansin ng mga kasama ng binatilyo na nahulog na ito sa ilalim.

Nang subukang tingnan ang kalagayan ng biktima, nakita umano itong nakalutang sa tubig at wala nang malay.

Sinubukan ding bumaba ng isa sa mga naroon upang tumulong ngunit hindi rin umano makahinga, dahilan upang agad itong hilahin pataas.

Dahil dito, humingi ng tulong ang mga residente sa mga kinauukulan.

Ayon kay Dacuycuy, hindi agad makapasok ang fire truck sa lugar dahil nasa kabilang bahagi ito ng ilog at kinakailangan pang maglakad ng humigit-kumulang 23 minuto, kabilang ang pagtawid sa tinatayang 200-meter na hanging bridge at pag-akyat sa bundok.

Nang makarating ang rescue team, gumamit ang mga rescuer ng self-contained breathing apparatus o SCBA upang ligtas na makapasok sa balon.

Kasama sa isinagawang retrieval ang BFP Special Rescue Force, Pinukpok Municipal Police Station, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Kalinga, Philippine Coast Guard at mga opisyal ng barangay.

Inabot umano ng 10 minuto ang mismong pag-ahon sa biktima matapos makapasok ang rescuer sa makitid na butas ng balon.

Ayon kay Dacuycuy, pinaniniwalaang nawalan ng oxygen ang biktima dahil sa gas na nasa loob ng balon, na siyang itinuturing na pangunahing dahilan ng kanyang pagkamatay.

Samantala, nanawagan ang BFP sa publiko, partikular sa mga magulang, na huwag payagang magsagawa ng ganitong uri ng mapanganib na trabaho ang mga menor de edad.

Pinayuhan din ang mga nangangailangan ng ganitong trabaho na makipag-ugnayan sa BFP o sa mga awtoridad para sa mga safety measure, kabilang ang paggawa ng improvised seat harness at paggamit ng pulley upang maging mas ligtas ang pagbaba at pag-akyat sa mga balon.

Wala pa namang naibigay na update ang BFP hinggil sa anumang napag-usapan ng pamilya ng biktima at ng may-ari ng bahay kaugnay ng insidente.