--Ads--

Nasawi ang isang binatilyo sa Brgy. Agamman Proper, Baggao, Cagayan matapos itong pagtatagain dahil sa alitan tungkol sa pagnanakaw ng puso ng saging.

Ayon sa Baggao PNP, ang suspek sa krimen ay isang 35-anyos na lalaki na kabarangay din ng biktima sa Brgy. Alba.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Vicente Orquia Jr. Deputy Chief of Police ng Baggao Police Station, sinabi niya na nag-ugat ang pananaga ng suspek dahil sa matagal na nilang alitan ng biktima kaugnay sa umano’y pagnanakaw nito sa bunga at puso ng saging na pag-aari ng suspek.

Batay sa mga nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ilang beses na naaktuhan ng suspek ang biktima na nagnanakaw ng saging at una na niya itong kinompronta at nabugbog.

--Ads--

Kaugnay rito, kinasuhan ng mga magulang ng biktima ang suspek ng physical injury kaya labis itong nagdamdam sa kadahilanang siya umano ang ninakawan ngunit siya pa ang kinasuhan.

Nagkataon namang nagkasalubong ang dalawa sa bahagi ng Agamman Proper kung saan lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo habang naka-kolong-kolong naman ang suspek.

Dahil sa galit ay hindi napigilan ng suspek ang sarili nang makita ang biktima kaya’t hinabol niya ito ng tabas at nagtamo ng anim na taga ang biktima pangunahin sa bahagi ng kanyang ulo.

Ipinagbigay alam naman ng mga concerned citizen ang insidente sa pulisya na agad na rumesponde sa lugar at nadatnan ang biktima na duguan dahil sa tinamong taga at sinubukan pang dalhin sa ospital nguni’t hindi na umabot ng buhay dahil sa tindi ng tinamong taga sa katawan.

Matapos ang krimen ay boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspek at ngayon ay nahaharap sa kasong murder.

VIA – Cagayan Provincial Information Office