Umabot sa ₱2.84 trilyon ang gross revenue collections ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula Enero hanggang Oktubre 2026, mas mataas ng 5.63% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa datos ng BIR, katumbas ito ng dagdag na ₱149.86 bilyon mula sa naitalang koleksiyon noong Enero hanggang Oktubre 2025.
Para naman sa buwan ng Oktubre, umabot sa ₱348.54 bilyon ang gross collections ng ahensya, mas mataas kumpara sa ₱203.58 bilyon na naitala noong Setyembre.
Dahil dito, target ng BIR na malampasan ang ₱3 trilyong revenue collections bago matapos ang Nobyembre.
Matatandaang nauna nang ipinahayag ng Department of Finance na inaasahang aabot sa ₱5.5 trilyon ang kabuuang kita ng pamahalaan pagsapit ng pagtatapos ng administrasyong Marcos, sa tulong ng inaasahang siyam na porsiyentong taunang paglago ng koleksiyon ng buwis hanggang 2028.











