--Ads--

‎Nagsagawa ng oathtaking at orientation ceremony ang BIGKIS Inc., Bigkis Agri-Livelihood & Growers Cooperatives (BISIGCO) para sa mga bagong miyembro at opisyal nito sa buong Rehiyon 2 bilang bahagi ng pagpapalawak ng organisasyon at kooperatiba sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Rex Moran Loba, National President ng BIGKIS Inc., layunin ng organisasyon na palakasin ang pagkakaisa ng mga mamamayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan, sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan at kooperatiba.

‎Sinabi ni Loba na isinusulong ng BIGKIS ang pagtatatag ng mga kooperatiba sa buong Pilipinas sa ilalim ng kanilang adbokasiyang makatulong sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga pamilya.

‎Dagdag pa niya, nakikiisa ang organisasyon sa iba’t ibang programa ng pamahalaan, kabilang ang mga proyektong may kaugnayan sa ayuda at pangkabuhayan tulad ng TUPAD at iba pang programang pansuporta sa komunidad.

‎Tinalakay rin rito ang mga layunin at programa nito kabilang ang pagpapalawak ng samahan at pagpapaigting ng pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at ahensya ng gobyerno.