CAUAYAN CITY – Binigyan ng pagkilala ng Isabela School for the Blind and SPED Center ang Bombo Radyo Cauayan sa pamamagitan ng sorpresang pagbisita sa himpilan kahapon ng umaga, July 01, 2020.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Teresita Dumaliang, school directress ng Isabela School for the Blind and SPED Center, sinabi niya na ipinagdiriwang nila ang kanilang ika-24 na founding anniversary.
Bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ay napag-usapan nila ang pagbibigay ng simpleng token bilang pasasalamat sa Bombo Radyo Cauayan dahil sa serbisyong ibinibigay nito sa publiko.
Napili nila ang Bombo Radyo Cauayan dahil sa sakripisyo sa paghahatid sa mga mamamayan sa Isabela ng mga mahalaga, updated na balita at impormasyon.
Kaakibat nito ay nagbigay sila ng mga face mask, alcohol, face shield at pagkain.
Ayon kay Ginang Dumaliang, ito pa lamang ang unang pagkakataon na ginawa nila ito.
Kasama niya sa mga bumisita si Sister Visitacion ng Franciscan Apostolic Sisters, ang kanilang liason officer, limang guro at isa nilang estudyante.
Ayon naman kay Sister Visitacion, ito ang unang pagkakataon na nagpunta siya sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan.
Aniya, mula pagkabata ay paborito na niyang makinig sa Bombo Radyo DZNC.
Pinayuhan niya ang publiko na ibayong manalig sa Poong Maykapal sa gitna ng COVID-19 pandemic na kinakaharap ng bansa at buong mundo.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Bombo Radyo Cauayan sa pagkilalang ibinigay ng Isabela School for the Blind and SPED Center.
Ayon kay Bombo Mariel Gomez, station manager, lubos siyang nagpapasalamat sa pagkilala sa Bombo Rado Cauayan sa pagtupad sa tungkulin at responsibilidad na maghatid sa publiko ng mga mahalagang balita at impormasyon.












