--Ads--

Nasawi ang hindi bababa sa 21 katao matapos mahulog sa bangin ang isang overloaded na pampasaherong bus sa bahagi ng Kashmir na kontrolado ng India.

Ayon sa mga awtoridad, naganap ang aksidente bandang alas-8:30 ng umaga sa Kanote village sa Udhampur district ng Jammu sa Kashmir.

Iniulat na ang bus na may kapasidad na 42 pasahero ay may sakay na mahigit 60 katao at bumiyahe mula Ramnagar patungong Udhampur. Sa isang matarik na kurbada sa bulubunduking lugar, nabangga nito ang isang autorickshaw bago mawalan ng kontrol at mahulog nang humigit-kumulang 30 metro sa bangin.

Sinabi ng isang opisyal na si Prem Singh na 19 ang nasawi sa mismong lugar ng aksidente, habang dalawa pa ang pumanaw sa ospital matapos habang ginagamot.

--Ads--

Tinatayang nasa 45 katao naman ang nasugatan, kabilang ang ilan na nasa kritikal na kondisyon at kasalukuyang ginagamot sa iba’t ibang pagamutan.

Ayon sa mga health official, karamihan sa mga biktima ay namatay dahil sa matinding pinsala sa ulo at internal bleeding.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si Prime Minister Narendra Modi sa mga naulila at nangakong magbibigay ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga nasawi.