--Ads--

Idineklara na ang state of calamity sa lalawigan ng Cagayan bunsod ng matinding epekto ng tagtuyot at iba pang salik na nagdulot ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Governor Manuel Mamba, sinabi nito na ang deklarasyon ay batay sa rekomendasyon ng tanggapan ng gobernador at ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) dahil sa nararanasang drought, epekto ng El Niño, at pagtaas ng presyo ng krudo.

Ayon kay Vice Governor Mamba, umaabot na sa humigit-kumulang 7.7 bilyong piso ang kabuuang pinsala sa lalawigan.

Sa datos aniya, nasa 33,000 ektarya ng lupain ang apektado ng pinsala sa iba’t ibang pananim habang tinatayang 1.1 bilyong piso ang halaga ng nasirang produksyon.

--Ads--

Sa sektor naman ng palay, aabot sa 25,800 magsasaka ang naapektuhan sa lawak na 32,000 ektarya na may katumbas na 1.8 bilyong piso na pagkalugi.

Samantala, lubos ding naapektuhan ang hanapbuhay ng mga mangingisda kung saan halos kalahati sa mahigit 9,900 fisherfolk ang hindi na makapalaot dahil sa mataas na presyo ng diesel, na nagresulta sa tinatayang 4.7 bilyong piso na pagkalugi.

Ipinaliwanag pa ng Bise Gobernador na naapektuhan ang produksyon dahil sa hindi maayos na panahon mula sa sobrang ulan noong mga nakaraang buwan na pumigil sa pagtatanim, hanggang sa kakulangan ng ulan na nakaapekto sa paglaki ng pananim.

Dagdag pa rito, limitado rin ang mga irigasyon sa ilang lugar habang ang iba naman ay nasira pa, dahilan upang mas lumala ang sitwasyon ng mga magsasaka.

Dahil dito, inaasahan ang pagpapatupad ng iba’t ibang hakbang ng pamahalaang panlalawigan kabilang ang posibleng pamamahagi ng cash assistance, fuel subsidy para sa mga mangingisda, at tulong na pagkain tulad ng bigas.

Umaapela rin ang lokal na pamahalaan ng Cagayan sa tulong ng pambansang pamahalaan habang hinihikayat ang mga bayan na gamitin ang kanilang calamity funds upang agarang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.