Mas pinaigting na ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 2 ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa Cagayan Valley kasunod ng banta ng Super Typhoon Inday at ng inaasahang pagpapalakas nito sa southwest monsoon o habagat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alvin Ayson, Information Officer ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 2, sinabi nitong nagsagawa na sila ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting kasama ang mga miyembro ng Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kahandaan ng bawat ahensya bago tumama ang bagyo.
Ayon kay Ayson, naglabas na rin ang OCD ng memorandum na naglalaman ng mga preparedness measures kaugnay sa mga posibleng epekto ng bagyo gaya ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, rain-induced landslides, malalakas na hangin at iba pang panganib.
Kabilang sa kanilang mga ipinag-uutos ang pagtiyak na gumagana ang mga backup communication system, paghahanda sa preemptive at forced evacuation ng mga residente, alagang hayop at livestock sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha at pagguho ng lupa, gayundin ang paghahanda ng mga evacuation center upang maging ganap na operational kapag kinakailangan.
Sinabi rin ni Ayson na kabilang sa kanilang pangunahing binabantayan ang lalawigan ng Batanes, Calayan Island, hilagang bahagi ng Cagayan, at mga baybaying lugar ng Region 2 dahil inaasahang ito ang direktang maaapektuhan ng bagyo.
Dagdag pa niya, inatasan na rin ang Philippine Coast Guard na ipatupad ang no-sail policy, habang nagsimula na ring isailalim sa seguridad ang mga bangka sa Batanes at pinayuhan ang mga mangingisda na huwag nang pumalaot para sa kanilang kaligtasan.
Ayon pa sa OCD, batay sa isinagawang PDRA, may dalawang posibleng senaryo na kanilang binabantayan. Una ang direktang epekto ng Super Typhoon Inday sa Batanes at hilagang bahagi ng Cagayan, at ikalawa ang posibleng pagpapalakas ng habagat na maaaring magdulot ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Nueva Vizcaya at pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog at tributaries sa Isabela na konektado sa mga lalawigan ng Mountain Province, Ifugao, at Nueva Vizcaya.
Ayon pay kay Information Officer Ayson, mas pinaigting na ng mga lokal na pamahalaan, partikular sa Batanes, ang kanilang paghahanda kabilang ang pagseseguro ng mga bangka at pagpapatupad ng mga kinakailangang preparedness measures matapos mailagay sa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang ilang bahagi ng rehiyon.
Hinikayat naman ng OCD ang mga lokal na pamahalaan at publiko na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad, umasa lamang sa mga mapagkakatiwalaang impormasyon, at magsagawa ng kinakailangang paghahanda upang matiyak ang kaligtasan habang papalapit ang Super Typhoon Inday.










