Pumangalawa ang Cagayan Valley sa mga rehiyon na may pinakamataas na porsyento ng mga indibidwal na may high blood pressure sa edad 20 hanggang 59 taong gulang batay sa single-visit measurement noong 2025, ayon sa datos ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Mel Lazaro, sinabi niyang posibleng isa sa mga dahilan nito ang mataas na antas ng kamalayan ng mga residente sa kalusugan at ang accessibility ng healthcare services sa rehiyon kaya mas maraming nagpapasuri at natutukoy na may mataas na blood pressure.
Ayon kay Dr. Lazaro, nakaaapekto rin ang uri ng hanapbuhay ng maraming residente sa rehiyon. Bilang isang agricultural area, marami ang nasasangkot sa mabibigat na gawaing pisikal tulad ng pagbubuhat ng palay, pagbubungkal ng sakahan at construction work. Dagdag pa rito, karaniwan umanong nauuwi sa pag-inom ng alak at paninigarilyo ang kanilang pagpapahinga matapos ang trabaho.
Binanggit din niya na maaaring may kaugnayan ang stress sa pagtaas ng kaso ng high blood pressure, lalo na sa mga breadwinner na nakararanas ng kakulangan sa kabuhayan. Dahil sa limitadong budget, madalas umanong nauuwi sa pagkain ng processed foods gaya ng de-lata at instant noodles ang ilang pamilya, habang ang iba naman ay nasosobrahan sa maalat na sawsawan tulad ng bagoong.
Samantala, maging ang mga may mas mataas na kakayahang bumili ng pagkain ay hindi rin ligtas sa panganib dahil sa madalas na pagkonsumo ng junk foods, fast foods at mga pritong pagkain.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng mataas na blood pressure ang pananakit ng batok, panlalabo ng paningin, pagkahilo at pagsusuka. Gayunman, pinaalalahanan ni Dr. Lazaro ang publiko na huwag basta uminom ng gamot para sa high blood pressure kapag nakararanas ng pagkahilo at tiyaking masukat muna ang blood pressure bago magmedikasyon.










