--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan na ng bayan ng Calayan, Cagayan ang mga posibleng bagyo na mananalasa sa bansa sa mga susunod na buwan.

Inaasahan kasing maraming bagyo ang posibleng mabuo at makaapekto sa bansa lalo na sa ganitong bahagi ng taon pangunahin sa “Ber” months.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Jonathan Jong Llopis ng Calayan Cagayan sinabi niya na kasalukuyan na ang kanilang pag inspeksyon sa mga gusali sa kanilang bayan na maaring maapektuhan ng malakas na bagyo tulad ng mga paaralan.

Inaayos na rin nila ang kanilang mga evacuation centers at patuloy ang konstruksyon ng mga daan upang mas madali ang paglikas ng mga residente tuwing may bagyo.

--Ads--

Karamihan aniya sa mga paaralan sa Calayan ay LGU ang nagpagawa at hindi ang Department of Education kaya mas madali ang paghingi ng pahintulot para magamit ang mga classroom bilang evacuation center.

Malapit na rin aniyang mapailawan ang lahat ng mga barangay dahil tuluy-tuloy ang pagpapatayo ng mga linya ng kuryente ng National Power Corporation o NAPOCOR.

Kasalukuyan din ang pagpapatayo ng mga solar power system upang maging hybrid na ang ginagamit nilang kuryente dahil mahal ang diesel na pangunahin nilang ginagamit.

Maliban dito ay patuloy din ang kanilang pagpapaunlad sa turismo dahil ngayong taon ay triple ang itinaas ng bilang ng mga turista na bumisita sa kanilang bayan.