Nilinaw ni Isabela Governor Rodito Albano III na inuna ang northern part ng lalawigan sa pamamahagi ng ayuda kung saan matatagpuan ang mas malaking bilang ng mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Gov. Albano na mas matindi ang epekto ng drought sa Northern Isabela kaya ito ang prayoridad sa pagbibigay ng emergency cash assistance, bagama’t may ilang bayan din sa nasabing bahagi ang apektado.
Matapos ang isinagawang validation at beripikasyon ng listahan ng mga benepisyaryong magsasaka ng mais, sinimulan na ang pamamahagi ng cash assistance sa City of Ilagan.
Nilinaw ng gobernador na ang tulong ay nakalaan lamang para sa mga corn at tobacco farmers na direktang apektado ng tagtuyot.
Ayon pa sa kanya, magsasagawa rin ng pulong ang pamahalaang panlalawigan kasama ang mga alkalde ng iba’t ibang bayan at lungsod sa Isabela upang talakayin ang tulong para sa iba pang sektor ng agrikultura.
Dagdag pa rito, plano ng pamahalaang panlalawigan na gumamit ng drone technology sa pagsasagawa ng validation sa mga sakahan upang masiguro ang katumpakan ng listahan ng mga kwalipikadong magsasaka.
Nangako rin ang gobernador na bago ang susunod na cropping season ay mamamahagi ang pamahalaang panlalawigan ng mga farm inputs tulad ng abono sa mga magsasakang apektado ng matinding tagtuyot.
Samantala, inihayag ni Regional Director Lucia Alan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 na matapos isailalim sa state of calamity ang lalawigan ng Isabela, agad na naglabas ang ahensya ng pondo mula sa Quick Response Fund (QRF).
Ayon sa kanya, ang naturang pondo ay kaagad na ipinamahagi sa mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot bilang bahagi ng agarang interbensyon ng gobyerno.
Tiniyak din ni Alan na nakaantabay ang DSWD sa posibleng paglala ng tagtuyot sa rehiyon, at handa silang magpatupad ng mga karagdagang hakbang upang matulungan ang mga apektadong magsasaka.
Dagdag pa niya, nakahanda rin ang ahensya sa mga programang tutulong sa paghahanda ng mga magsasaka para sa susunod na cropping season, upang matiyak ang mas matatag na produksyon sa kabila ng epekto ng tagtuyot.











