Namahagi na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Emergency Cash Transfer (ECT) assistance sa mga magsasakang apektado ng inaasahang matinding El Niño, kabilang ang mga lalawigan ng Isabela at Cagayan.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, umabot na sa mahigit ₱141 milyon ang kabuuang humanitarian assistance na naipagkaloob sa Region 2, na binubuo ng cash assistance at family food packs para sa mga magsasaka ng palay at mais.
Sinabi rin ni Dumlao na nagpapatuloy ang pamamahagi ng financial assistance sa Camarines Norte, kung saan mahigit ₱31 milyon ang naipagkaloob sa mga magsasaka sa bayan ng Capalonga at Paracale na napinsala ang mga pananim dahil sa tagtuyot.
Ayon pa sa opisyal, may ilang magsasaka nang nawalan ng gana na magtanim dahil nangangamba silang masasayang lamang ang kanilang puhunan at pagsisikap dulot ng kakulangan sa tubig.
Tinatayang mahigit 191,000 pamilya sa anim na rehiyon ang apektado ng El Niño na posibleng magpatuloy hanggang unang bahagi ng susunod na taon. Sa ngayon, mahigit ₱189 milyon na ang kabuuang humanitarian assistance na naipamahagi ng DSWD.











