Mas pinaiigting ng Cauayan City National High School ang pagpapatupad ng Project WATCH o We Advocate Time Consciousness and Honesty, habang target nitong malampasan ang kanilang naging standing noong nakaraang taon at makamit ang kampeonato sa pambansang antas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Ceasar Ramoran, sinabi niyang ang Project WATCH ay isang pambansang programa ng Junior Chamber International o JCI na naglalayong itaguyod ang pagiging maagap at katapatan sa mga mag-aaral.
Hindi lamang umano sa loob ng paaralan isinasagawa ang programa dahil mahalaga rin ang pakikipagtulungan ng buong komunidad sa paghubog ng mga kabataan.
Ipinagmamalaki ng paaralan na naisasabuhay na ng kanilang mga mag-aaral ang mga pagpapahalagang itinuturo sa pamamagitan ng mga programang gaya ng Oplan Katapatan at Honesty Store.
Sa Oplan Katapatan, ibinabalik ng mga mag-aaral ang mga mahahalagang bagay na kanilang napupulot sa isang itinalagang lugar at itinatala ang mga ito.
Samantala, sa Honesty Store, malayang nakakakuha ng mga produkto ang mga estudyante at sila mismo ang nag-iiwan ng kaukulang bayad at nagtatala ng kanilang mga binili.
Samantala, umaasa ang paaralan na sa tulong ng komunidad ay mas mapapalakas pa ang pagpapatupad ng Project WATCH at malalagpasan ang kanilang naging standing noong nakaraang taon.
Target din ng Cauayan City National High School na maiuwi ang kampeonato ngayong taon, matapos ang ilang taong pagsusulong ng programa.
Para sa paaralan, ang pagiging maagap at tapat ay hindi lamang pagpapahalagang kailangan para sa kompetisyon, kundi mga kaugaliang mahalagang maisabuhay ng mga kabataan at ng buong komunidad.











