--Ads--

Nanawagan ang ilang guro sa mga magulang na higit na gampanan ang kanilang tungkulin sa paghubog ng disiplina at wastong asal ng kanilang mga anak, kasabay ng paalala na hindi lamang sa mga guro nakaatang ang pagdidisiplina sa mga mag-aaral.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Windy Serrano, Head Teacher VI ng Cauayan City National High School, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagtutulungan ng tahanan at paaralan upang maitaguyod ang mabuting asal, pagpapahalaga, at responsableng pag-uugali ng kabataan.

Ayon kay Serrano, pangunahing responsibilidad ng mga magulang ang paggabay sa asal ng kanilang mga anak sa loob ng tahanan, habang ang mga guro ay nakatuon sa pagtuturo at paggabay sa loob ng paaralan.

Giit niya, hindi kakayanin ng mga guro na akuin ang lahat ng aspeto ng pagdidisiplina kung walang aktibong pakikilahok ng mga magulang.

--Ads--

Hinimok din niya ang mga magulang na regular na kumustahin at gabayan ang kanilang mga anak, kabilang ang pagsubaybay sa kanilang mga kilos at pakikisalamuha, upang maiwasan ang mga problemang maaaring makaapekto sa kanilang pag-aaral.

Binigyang-diin pa ni Serrano na sa kasalukuyan, maraming guro ang napipilitang tumayong gabay sa mga responsibilidad na dapat ay nasa magulang, kaya’t mahalaga ang mas matibay na kooperasyon ng dalawang panig.