Walang naitalang kaso ng pagkalunod sa lungsod ng Cauayan sa nakalipas na paggunita ng Semana Santa 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr., ibinahagi nito na zero drowning incident ang kanilang naitala ngayong Holy Week kumpara sa mga nakaraang taon na may mga naiuulat na insidente ng pagkalunod.
Ayon sa alkalde, malaking bagay ang naging mas mahigpit na pagbabantay at pag-activate ng mga law enforcement units sa mga ilog, resort at iba pang pasyalan sa lungsod upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Dagdag pa niya, kapansin-pansin din ang mas kaunting bilang ng mga nagtungo sa mga ilog at resort na isa rin sa mga nakitang dahilan kung bakit walang naitalang insidente ng pagkalunod.
Gayunman, aminado si Mayor Dy na may mga naitalang vehicular accidents sa lungsod, kung saan karamihan sa mga sangkot ay nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Dahil dito, muling nagpaalala ang alkalde sa mga motorista na umiwas sa pagmamaneho kapag nakainom at tiyaking may kasamang designated driver upang makaiwas sa aksidente at makauwing ligtas sa kanilang mga tahanan.











