Ibinasura ng Regional Trial Court Branch 20 sa Cebu City ang kahilingan ng Oriental Port & Allied Services Corp. o OPASCOR para sa temporary restraining order at writ of preliminary injunction laban sa Cebu Port Authority o CPA at Cebu South Harbor and Container Terminal Corp. o CSHCTC.
Sa walong pahinang kautusan na inilabas noong Setyembre 25, sinabi ni Presiding Judge Leah Geraldez na walang sapat na basehan upang pagbigyan ang hinihiling na TRO at injunction.
Matatandaang hiniling ng OPASCOR sa korte na pigilan ang CPA sa pagbibigay ng pahintulot sa mga barko na dumaong sa pribadong pantalan ng CSHCTC dahil umano sa mga paglabag sa regulasyon at permit ng terminal.
Gayunman, sinabi ng hukuman na nabigo ang OPASCOR na patunayan na mayroon itong malinaw na karapatang legal na nangangailangan ng agarang proteksyon ng korte.
Iginiit din ng korte na hindi napatunayan ng kumpanya na nakararanas ito ng hindi na maibabalik na pinsala o irreparable damage dahil maging ang umano’y pagkalugi nito ay maaari namang masukat at matukoy sa halaga.
Dagdag pa ng hukuman, ang pagbibigay ng injunction sa kasalukuyan ay maaaring magresulta sa maagang pagresolba sa pangunahing isyu ng kaso kahit hindi pa ito sumasailalim sa ganap na paglilitis.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang OPASCOR kaugnay sa naging desisyon ng korte.











