--Ads--

Nagbigay na ng pahintulot ang Commission on Higher Education (CHED) sa mga unibersidad at kolehiyo na lumipat sa full online classes para sa nalalabing bahagi ng academic year 2025–2026.

Sa inilabas na memorandum, sinabi ng CHED na bahagi ito ng pagsisikap ng bansa na makatipid sa enerhiya sa gitna ng idineklarang national energy emergency.

Binigyang-diin ng komisyon na ang pagpapatupad ng 100% online delivery ay  pansamantala lamang at nakadepende sa kapasidad ng bawat paaralan at kahandaan ng mga mag-aaral.

Para naman sa mga laboratory and skills-based components, dapat pa rin itong isagawa nang onsite o sa pamamagitan ng mga alternatibong paraan na hindi makakaapekto sa kalidad ng pagkatuto.

--Ads--

Inatasan din ang mga paaralan na magbigay ng sapat na psychosocial support at gabay sa mga estudyante habang nasa ilalim ng flexible learning.

Mananatiling epektibo ang advisory na ito hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang academic year, kabilang ang summer classes. Samantala, nagpahayag naman ng pagkabahala ang Student Council Alliance of the Philippines (SCAP) sa naging desisyong ito ng CHED dahil sa posibleng epekto nito sa mga mag-aaral.

Ang desisyong ito ay kasunod ng naunang anunsyo ni Pangulong Marcos Jr. na magpapatupad ng four-day workweek sa mga opisina ng ehekutibo simula noong Marso 9, 2026.

Ang krisis ay dulot ng gulo sa Strait of Hormuz na siyang pangunahing ruta ng langis sa mundo. Dahil dito, inatasan din ang lahat ng ahensya ng gobyerno na bawasan ang kanilang konsumo sa kuryente at gasolina ng 10% hanggang 20%.