--Ads--

Umabot na sa 2,200 na mga Pilipino ang kasalukuyang naghihintay ng repatriation dahil sa patuloy na sigalot sa ibang bansa, habang tinatayang aabot sa 200,000 ang posibleng mangailangan ng financial assistance ngayong taon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, iniulat ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na patuloy na tumataas ang bilang ng mga humihingi ng tulong dahil sa pabagu-bagong kalagayan ng krisis.

Bukod sa listahan ng mga nais umuwi, nakatanggap din ang ahensya ng karagdagang 3,500 na aplikasyon para sa tulong pinansyal.

Paliwanag ni Cacdac, ramdam na ng mga manggagawa ang epekto ng krisis, partikular na ang mga negosyong nagbabawas ng oras ng trabaho o kaya naman ay nagpapatupad ng temporaryong suspensyon ng trabaho.

--Ads--

Upang mapaghandaan ang kinakailangang pondo, inihalintulad ng ahensya ang sitwasyon sa naranasang COVID-19 pandemic, kung saan nasa 500,000 ang nabigyan ng ayuda sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Kung magpapatuloy ang sigalot, tinataya ng ahensya na maaaring umabot sa 200,000 indibidwal ang mangangailangan ng tulong pinansyal ngayong taon.

Iginiit ni Cacdac na ang mga numerong ito ay hindi pa pinal at nakadepende sa paglala o paghupa ng mga kaguluhan.