Naniniwala si Philippine Coast Guard (PCG) for the West Philippine Commodore Jay Tarriela na susuportahan ng China ang sinumang kandidato sa 2028 General Elections na hindi sumusuporta sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Babala ng opisyal, tiyak na magpapakita ng suporta ang Chinese government sa mga kandidato sa national polls na hindi kumukuwestyun sa presensiya ng China sa pinag-aagawang karagatan.
Tiyak aniyang lalawakan pa ng China ang ‘information operations’ nito habang papalapit ang halalan.
Pangunahin dito ang operasyon ng Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI) ng China, na ayon kay Tarriela, ay posibleng makikialam bago ang halalan, upang manipulahin ang public opinion sa nais nitong mangyari.
Dahil dito, kailangan aniyang pigilan ang malawakang disinformation na tiyak na isasagawa ng Chinese government, lalo na ang pahayag ng ilang pulitiko na hayagang sumusuporta pa sa naratibo ng China.
Kung pipigilan aniya ang transparency initiative ng gobiyerno ukol sa WPS, posibleng pagsapit ng 2028 ay makakalimutan na ng mga Pilipino kung sino ang mga pulitikong bitong tumindig para sa posisyon ng Pilipinas sa WPS.
Samantala, sa kasalukuyan ay wala naman umanong natatanggap si Tarriela na direktiba mula sa Malacañang na limitahan ang kaniyang media engagements sa kabila ng mainitang palitan ng pahayag sa pagitan niya at ng Chinese Embassy in Manila.











