--Ads--

Umabot na sa 10 insidente ng pagkalunod ang naitala ng Northeastern Luzon ngayong Semana Santa, kung saan anim ang nasawi habang apat naman ang nailigtas, ayon sa Philippine Coast Guard.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay ENS Erika Faith Coloso, information officer ng Coast Guard District Northeastern Luzon, sinabi nitong karamihan sa mga biktima ay nalunod matapos maligo sa ilog o dagat habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak.

Ayon kay ENS Coloso, kabilang sa mga naitalang insidente ay sa Cagayan River sa Tuguegarao City, Baler sa Aurora, at mga bayan ng Alcala, Aparri, Lallo at Claveria sa Cagayan.

Sa datos, dalawa sa mga nasawi ay menor de edad—isang 10-anyos na lalaki at isang 8-anyos na babae—na pinaniniwalaang napunta sa malalim na bahagi ng tubig at hindi na napansin ng kanilang mga kasama.

--Ads--

Samantala, apat na indibidwal ang matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Coast Guard katuwang ang iba pang ahensya, kung saan agad silang dinala sa pagamutan para sa karagdagang pagsusuri.

Dagdag pa ng opisyal, mas mataas ang bilang ng drowning incidents ngayong taon kumpara noong nakaraang taon, na iniuugnay sa paglangoy ng mga indibidwal habang nakainom ng alak at sa malalakas na agos ng tubig.

Sa kabila nito, wala namang naitalang maritime incident sa mga biyahe ng mga pasahero, at nananatiling nasa normal ang bilang ng mga biyahero sa kanilang nasasakupan.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng Philippine Coast Guard ang publiko na iwasan ang pag-inom ng alak bago o habang naliligo at unahin ang kaligtasan upang maiwasan ang kaparehong trahedya.