--Ads--

Tumangging magkomento ang Chinese Embassy sa Maynila sa alegasyon ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV na umano’y tumanggap ng pondo mula sa China si Vice President Sara Duterte at ang kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Sa isang maikling pahayag, sinabi ng embahada na, ang usapin ay bahagi ng politika sa Pilipinas at wala sila sa posisyon para magkumento.

Matatandaan na inilabas ni Trillanes ang naturang alegasyon sa isang press conference nitong Biyernes, Oktubre 2, kasunod ng kanyang pag-atras bilang testigo ng House prosecution panel sa impeachment trial ni Duterte.

Ayon kay Trillanes, batay umano sa mga financial records na kanyang ipinrisinta, mahigit P150 milyon ang natanggap ng Tapang at Malasakit Foundation na iniuugnay kay Duterte mula sa mga government entity at korporasyon sa China, habang mahigit P319 milyon naman umano ang pumasok sa Cale88 Foods Corp. na inuugnay sa asawa ng bise presidente.

--Ads--

Iginiit din ni Trillanes na may implikasyon umano sa national security ang naturang mga transaksyon kung mapatutunayang nagmula ang mga pondo sa isang dayuhang pamahalaan.

Samantala, kabilang sa mga dokumentong isinumite sa Senate Impeachment Court ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang mga financial records na may kaugnayan sa mga inward remittance na umano’y pumasok sa ilang entidad na iniuugnay sa pamilya Duterte.

Wala pang inilalabas na pormal na tugon ang kampo ni Vice President Duterte kaugnay sa mga pinakahuling alegasyon. Ang mga paratang ay nananatiling alegasyon at hindi pa napatutunayan sa hukuman.