--Ads--

Posibleng pansamantalang suspendihin ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System o NIA-MARIIS ang pagpapakawala ng tubig para sa irigasyon ngayong araw kasunod ng mga pag-ulan na naitala sa ilang bahagi ng kanilang service area, kabilang ang mga lugar na isinailalim sa cloud seeding operations.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager for Engineering and Operations ng NIA-MARIIS, sinabi nitong layunin ng naturang hakbang na makatipid sa tubig na inilalabas mula sa dam habang sapat pa ang moisture at tubig sa mga sakahan dahil sa mga pag-ulan.

Ayon kay Engr. Bermudez, nagsimula nitong nakalipas na Linggo ang cloud seeding operation na isinagawa sa mga target na watershed ng MARIIS, kung saan nakapagtala ng mga pag-ulan hindi lamang sa watershed kundi maging sa kanilang service area.

Kabilang sa mga lugar na nakaranas ng malalakas na pag-ulan ang bahagi ng Roxas, Cagayan at Nueva Vizcaya.

--Ads--

Sinabi ni Engr. Bermudez na malaking tulong ang mga pag-ulan dahil napapabagal nito ang pagbaba ng lebel ng tubig sa reservoir, kung saan napapalitan kahit papaano ng ulan ang dam water na inilalabas para sa irigasyon.

Dahil dito, inatasan na rin aniya ang mga division office ng NIA-MARIIS na masusing suriin ang kondisyon ng mga kanal at mga sakahan upang mapakinabangan ang mga pag-ulan at mabawasan ang pangangailangang magpalabas ng tubig mula sa dam.

Posible aniyang suspendihin muna ngayong araw ang pagpapakawala ng tubig kung mapapatunayang sapat pa ang tubig sa mga sakahan sa kanilang service area.

Samantala, as of 8:00 AM kanina, nasa 161.02 meters above sea level ang aktuwal na reservoir elevation ng Magat Dam, o mahigit isang metro pa rin mula sa itinakdang critical elevation na 160 meters.

Nasa 80 cubic meters per second naman ang inflow o dami ng tubig na pumapasok sa reservoir, habang nasa 110 cubic meters per second ang outflow o tubig na inilalabas para sa irigasyon.

Bagama’t mas mataas pa rin ang outflow kaysa inflow, sinabi ni Bermudez na bahagyang napapabagal ang drawdown o pagbaba ng lebel ng tubig dahil sa mga pag-ulan.

Samantala, tinatayang nasa 200 hectares ng mga palayan ang naiulat na naapektuhan ng kakulangan sa patubig sa ilang bahagi ng service area.

Gayunman, sinabi ni Engr. Bermudez na hindi naman lahat ng sakahan ay tuluyang naapektuhan dahil sa isinagawang rotational irrigation at scheduling ng pagpapakawala ng tubig.

Aniya, may ilang pananim na nakaranas lamang ng stress at maaari pang makarekober matapos muling mabigyan ng sapat na patubig.

Patuloy naman ang cloud seeding operations na isinasagawa sa koordinasyon ng Department of Agriculture at Bureau of Soils and Water Management, katuwang ang Philippine Air Force, na target na ipatupad mula Hulyo hanggang Setyembre.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Engr. Bermudez ang mga magsasaka, partikular ang mga nasa lugar na limitado ang access sa irigasyon, na isaalang-alang ang drought-resistant na mga barayti ng pananim at diversified cropping sakaling magpatuloy ang kakulangan sa tubig.

Batay aniya sa forecast ng PAGASA, posibleng magpatuloy ang epekto ng El Niño hanggang unang quarter ng 2027.
Hinimok din ng opisyal ang mga magsasaka na mahigpit na sundin ang itinakdang schedule ng patubig at makipag-ugnayan sa kanilang irrigation division upang maiwasan ang kaguluhan sa distribusyon ng tubig.

Umaasa naman ang opisyal na magtutuloy-tuloy ang mga pag-ulan upang unti-unting tumaas ang lebel ng tubig sa mga dam at matiyak ang sapat na suplay para sa patubig.