Nakaantabay na ang National Irrigation Administration o NIA-MARIS sa posibleng pagsasagawa ng cloud seeding sakaling muling bumaba ang antas ng tubig sa Magat Dam, bilang paghahanda sa pangangailangan ng patubig para sa Dry Cropping Season 2027.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Roldan Bermudez, Manager ng Engineering Operations ng NIA-MARIS, sinabi nitong nauna na silang humiling sa Department of Agriculture o DA at Bureau of Soils and Water Management o BSWM ng paglalaan ng pondo para sa nasabing operasyon.
Batay umano sa kanilang pinakahuling koordinasyon, may nakalaang pondo para sa cloud seeding, na maaari nilang isagawa kapag kinakailangan na at matapos ang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya.
Gayunman, hindi pa muna humihiling ang NIA-MARIS na isagawa ang operasyon sa ngayon dahil nananatiling mataas ang pumapasok na tubig sa Magat Dam.
Ipinaliwanag din ni Bermudez na nakadepende sa target na lugar ang pagsasagawa ng cloud seeding. Para sa NIA-MARIS, nakatuon ang kanilang kahilingan sa watershed ng Magat Dam upang makatulong na madagdagan ang tubig na papasok sa dam.
Maaari rin umanong magsagawa ng cloud seeding ang DA at BSWM sa mga lugar sa ibaba ng dam o downstream, depende sa kanilang target at pangangailangan.
Samantala, sinabi ni Bermudez na pinaaga ng NIA-MARIS ang pagsisimula ng irrigation delivery at cropping season ngayong taon, dahil sa banta ng El Niño at posibilidad na magkaroon ng kakulangan sa tubig hanggang sa unang quarter ng 2027.
Dahil dito, patuloy nilang minamaximize ang kapasidad ng mga kanal upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka, habang nakahanda ring magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng tubig sakaling bumaba muli ang elevation ng Magat Dam.
Nanawagan naman si Bermudez sa mga magsasaka na magtulungan sa pagtitipid ng tubig at sumunod sa cropping calendar upang matiyak ang maayos na pamamahagi ng patubig sa gitna ng banta ng El Niño.











