Ibinasura ng Commission on Elections (COMELEC) ang mga reklamong election offense laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y pagtanggap nila ng campaign donations noong 2022 national at local elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hindi na itinuloy ang kaso laban sa dalawang opisyal dahil sa kanilang kasalukuyang immunity bilang Pangulo at Bise Presidente ng bansa.
Ipinaliwanag ni Garcia na maaari silang maharap sa paglabag sa Konstitusyon kung ipagpapatuloy ang aksyon laban sa mga nakaupong mataas na opisyal.
Gayunman, sinabi niya na maaari pa ring maisampa ang parehong reklamo laban sa kanila matapos ang kanilang termino sa 2028.
Ang reklamo ay inihain ng grupong Kontra Daya, na nag-ugnay sa dating UniTeam tandem sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code dahil sa pagtanggap ng campaign donations mula sa mga government contractors, na ipinagbabawal ng batas.











