Matagumpay na isinagawa ang Community Outreach Program na kinabibilangan ng Medical and Optical Mission, gayundin ang Groundbreaking at Turnover ng Barangay Outposts and Barricades sa Barangay Salay, San Agustin, Isabela.
Ang naturang programa ay pinangunahan ng 2nd Provincial Mobile Force Company ng Philippine National Police sa lalawigan ng Isabela, sa pakikipagtulungan ng mga lokal na ahensya ng pamahalaang barangay ng San Agustin.
Bilang bahagi ng programa, nagsagawa ng medical mission kung saan nagkaroon ng libreng konsultasyon sa mata at pamamahagi ng reading glasses.
Mayroon ding libreng bunot ng ngipin, tuli para sa mga batang lalaki, libreng gupit, at konsultasyong medikal para sa mga may karamdaman na nabigyan din ng kaukulang gamot.
Layunin ng programang ito na matulungan ang mga mamamayan at maipadama sa kanila ang mga serbisyong hatid ng pamahalaan.
Isa rin itong hakbang upang mahikayat ang komunidad na iwasan ang pagsanib sa mga grupong kumokontra sa gobyerno, lalo na’t ang naturang barangay ay dating naiuugnay sa presensya ng mga kasapi ng New People’s Army dahil sa lokasyon nitong napapalibutan ng kabundukan ng Sierra Madre.
Bukod sa medical mission, pormal ding naiturnover ang barangay outpost sa pamumuno ni Police Major George Maribbay, Acting Force Commander ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company, na tinanggap naman ni Barangay Captain Efren Matias.
Upang mapanatili ang kaayusan at palakasin ang ugnayan ng komunidad, nag-organisa rin ng basketball league na nilahukan hindi lamang ng kabataan kundi pati ng mga may pamilya.
Samantala, sa tulong ng Department of Agriculture sa San Agustin, nabigyan din ng iba’t ibang uri ng gulay ang bawat purok upang maisulong ang pagkakaroon ng gulayan sa barangay.









