
CAUAYAN CITY – Patung-patong na kaso ang kinakaharap ng isang lalaki matapos ang panununtok nito sa dalawang construction worker sa Cabisera 18, City of Ilagan dahilan para masawi ang isa.
Ang nasawing biktima ay si Jaymar Cabansag, 18-anyos at ang nasugatan naman ay si Jollorina, 17-anyos, kapwa construction worker at mga residente ng nabanggit na barangay habang ang pinaghihinalaan ay si Jeffrey Claro, 23-anyos, binata at residente ng Aggassian, lunsod ng Ilagan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkaroon ng inuman sa isang okasyon ang mga biktima at pinaghihinalaan hanggang sa nagkaroon ng pagtatalo sina Jollorina at nang kanyang kasintahan.
Tinangka silang awatin ng suspek ngunit nang hindi umano nito maawat ang dalawa ay sinuntok niya ang mga biktima at natumba si Cabansag.
Nagtamo ng mga sugat ang mga biktima pero dahil sa lakas ng suntok na tinamo ni Cabansag ay nabagok ang kanyang ulo sa isang bato na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Gayunman ay naisugod pa siya sa isang pagamutan ngunit idineklara ring dead on arrival ng kanyang attending physician.
Nadakip naman ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad.
Si Claro ay mahaharap ngayon sa mga kasong homicide at physical injury.




