--Ads--

Patay ang isang 38-anyos na construction worker matapos pagbabarilin sa loob ng isang compound sa Barangay Maligaya, Cauayan City, kagabi, Nobyembre 12.

Ang biktima ay itinago sa alyas na ‘James’ residente ng Purok 5, ng nasabing barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas ‘Joyjoy’, kinakasama ng biktima, dakong alas-8:00 ng gabi nang mangyari ang insidente.

Ayon sa kinakasama ng biktima, bago ang insidente ay nakaramdam na umano ito na may masamang mangyayari sa kaniya.

--Ads--

Kagabi, nagpasundo umano ang biktima sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Nang sunduin siya ng kaniyang kinakasama, may napansin silang kahina-hinalang sasakyan na nakaparada.

Pagdating sa kanilang bahay, umalis umano ang biktima at kinuha ang susi ng kanilang motorsiklo. Makalipas ang isang minuto, nakarinig ng putok ng baril ang kaniyang kinakasama kaya agad itong lumabas upang alamin ang nangyari.

Doon na niya nakita ang biktima na duguan matapos pagbabarilin.

Samantala, narekober ng mga opisyal ng barangay ang mahigit sampung basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa isang Armalite matapos ang pamamaril sa naturang lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Raymart Mallillin, sinabi nitong agad silang nakipag-ugnayan sa isang kagawad at sa pulisya matapos makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa kabilang purok.

Agad silang nagtungo sa lugar upang alamin ang nangyari ngunit nadatnan na lamang ang biktimang nakahandusay at nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Mallillin, kapansin-pansin din ang dami ng tama ng bala sa katawan ng biktima, bagama’t wala itong tama sa ulo.

Matapos ang insidente, nagsilabasan ang mga residente upang alamin ang nangyari habang nagsagawa rin ng pag-iikot ang mga opisyal ng barangay sa kahabaan ng highway.

Kasabay nito, pinayuhan ni Mallillin ang mga residente na maging mapagmatyag at agad na ireport sa barangay o pulisya ang anumang kahina-hinalang tao, sasakyan o aktibidad sa kanilang lugar.

Matatandaang nasawi ang isang 38-anyos na construction worker matapos pagbabarilin sa loob ng isang compound sa nasabing barangay.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaril.