Nasawi na sa ospital ang 24-anyos na suspek sa pamamaril na ikinasawi ng anim na katao sa makasaysayang pangunahing plaza ng Krakow, Poland, nitong Sabado.
Ayon sa Polish police, binaril ng mga pulis ang suspek bago ito naaresto ilang minuto matapos magpaputok ng baril mula sa kaniyang sasakyan at puntiryahin ang mga taong nasa lugar.
Nauna nang sinabi ng pamahalaan na posibleng naimpluwensiyahan ng far-right ideology ang suspek, na residente ng bayan ng Ostrowiec Swietokrzyski sa timog-silangang bahagi ng Poland.
Gayunman, umiwas muna sa pagbibigay ng karagdagang pahayag ang mga opisyal habang patuloy na inaalam ang motibo sa likod ng krimen.
Ayon kay Justice Minister Waldemar Zurek, magpapatuloy ang imbestigasyon sa kabila ng pagkamatay ng suspek upang matukoy kung kumilos ito nang mag-isa o may impluwensiya mula sa isang grupo.
Nangako rin ang mga awtoridad na masusing susuriin ang mga ebidensiyang nakuha, kabilang ang mga simbolong nakita sa damit ng suspek.











