--Ads--

Kinumpirma ng content creators na sina Gavin Capinpin at Elma Asagra ang kanilang paghihiwalay matapos ang pitong taong pagsasama.

Sa magkahiwalay na pahayag na inilabas nila sa social media ngayong araw, Hunyo 23, sinabi ng dalawa na ang kanilang desisyong maghiwalay ay bunga ng mga personal na suliraning matagal na nilang kinaharap bilang magkapareha.

Nilinaw nina Gavin at Elma na walang kinalaman ang anumang third party sa kanilang paghihiwalay sa kabila ng mga kumalat na espekulasyon sa social media nitong mga nakaraang linggo.

Ayon kay Elma, matagal nilang sinubukang ayusin ang kanilang relasyon ngunit dumating sa puntong hindi na nila naramdaman ang dating mutual na pagmamahal sa isa’t isa. Iginiit din niya na ang mga larawang kumalat online na nag-uugnay kay Gavin sa isang babaeng nagngangalang Ayra ay nabigyan lamang ng maling interpretasyon ng publiko.

--Ads--

Sa kanyang pahayag, sinabi naman ni Gavin na ginawa nila ang lahat upang maisalba ang kanilang relasyon ngunit napagdesisyunan nilang maghiwalay dahil patuloy lamang silang nasasaktan.

Nagpasalamat din ang dalawa sa isa’t isa para sa mga taong pinagsamahan at sa mga tagasuportang patuloy na sumubaybay sa kanilang journey bilang magkapareha at content creators.

Naging usap-usapan kamakailan ang kanilang relasyon matapos maiugnay si Gavin sa mga alegasyon ng panloloko, na kapwa naman nilang pinabulaanan bago tuluyang inanunsyo ang kanilang hiwalayan.