Inaasahan ang panibagong paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, ayon sa mga lokal na industry sources nitong Biyernes.
Batay sa inisyal na pagtaya, posibleng bumaba ng ₱0.10 hanggang ₱0.30 kada litro ang presyo ng gasolina, habang inaasahang tataas naman ng ₱0.40 hanggang ₱0.60 kada litro ang diesel.
Ang mga pagbabagong ito ay nakabatay sa apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS), na ginagamit bilang batayan ng presyo para sa mga produktong petrolyo sa Southeast Asia.
Ayon sa mga eksperto, ang inaasahang galaw sa presyo ay dulot ng posibleng sanctions laban sa Russia; kasunduang pangkalakalan sa pagitan ng Estados Unidos at Japan; at ang pagtaas ng demand matapos ang malaking pagbaba sa imbentaryo ng krudo at gasolina sa US.
Una rito, nagpatupad na ng pagtaas ang mga lokal na kompanya ng langis sa ₱0.40 kada litro para sa gasolina at ₱1.10 kada litro para sa diesel ngayong linggo.
Ang opisyal na anunsyo ng mga oil company ay inaasahang ilalabas sa Lunes, Hulyo 29, na siyang magiging batayan ng aktuwal na price adjustment sa darating na Martes.










