CAUAYAN CITY – Mayroon nang nagkakasakit na mga bata at matatanda na pansamantalang nakatira sa mga tent sa open area sa kanilang plaza dahil sa mga nararanasang pag-ulan sa Itbayat, Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer ( PDRRMO) Roldan Esdicul, sinabi niya na ang kalusugan ng mga evacuees ang tinututukan ngayon ng mga medical team dahil nagdudulot ang pag-ulan ng pagkakasakit ng ilang bata at matatanda.
Ayon pa kay Ginoong Esdicul, simula ngayong araw ay magpapadala sila ng mga yero at kahoy sa Itbayat sa pamamagitan ng mga bangka para ang bawat pamilya ay makapagpatayo ng kanilang tirahan malapit sa mga napinsala nilang bahay.
Sa ngayon aniya ay unti-unti nang nakakarecover mula sa trauma ang mga bata dahil nakakapaglaro na sila hindi tulad noong katatapos ang lindol na nasa tabi lang sila ng kanilang magulang.
Malaking tulong ang stress debriefing na ginagawa ng mga volunteer debriefers na nagtungo sa bayan ng Itbayat.
Hindi pa nakakabalik sa klase ang mga bata dahil napinsala ang kanilang mga paaralan kaya posibleng sa susunod na linggo ay sisimulan na ang pagpapatayo ng mga malalaking tent na pansamantalang gawing classroom ng mga mag-aaral.
Sinabi pa ni Ginoong Esdicul na parang magnanakaw ang mga residente sa Itbayat na bumabalik sa kanilang bahay para kumuha ng kanilang mga gamit dahil kumukuha sila ng timing at agad silang tumatakbo palabas kapag may aftershock.
Sinabi pa ni Ginoong Esdicul na nasa maayos nang kalagayan ang mga nasugatan maliban sa ilan na nagtamo ng malalang sugat matapos madaganan ng mga gumuho nilang bahay.