Dalawa ang nasawi habang 21 katao pa ang nawawala matapos ang malalakas na pag-ulan na nagdulot ng landslide sa isla ng Java, Indonesia.
Ayon sa ulat ng mga opisyal, tinamaan ng pagguho ng lupa ang dose-dosenang kabahayan sa tatlong nayon sa probinsya ng Central Java. Patuloy ang operasyon ng mga rescuer upang hanapin ang mga nawawalang residente.
Sinabi ni Abdul Muhari, tagapagsalita ng National Disaster Management Agency, na naging hamon sa search and rescue team ang hindi matatag na lupa.
Sa mga kuha ng National Search and Rescue Agency, makikitang patuloy ang mga rescuer sa paghalukay ng mga debri upang mailigtas ang mga posibleng biktima.
Karaniwan nang nagdudulot ng pagbaha at landslide ang malalakas na pag-ulan mula Oktubre hanggang Marso sa Indonesia, isang arkipelago na binubuo ng 17,000 isla .
Noong Enero ngayong taon, mahigit 20 residente ang nasawi matapos tangayin ng baha at landslide sa parehong probinsya ng Central Java.











