--Ads--

CAUAYAN CITY – Dalawa  ang namatay  kabilang ang isang pulis sa naganap na pagtugis ng mga kasapi ng Ramon Poilce Station sa mga nanghold-up sa  secretary ng isang bahay kalakal sa Tugugerao City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, matapos makatanggap ng flash alarm ang  Ramon  Police Station kaugnay sa naganap na panghohold-up  ng mga sakay ng pulang  Toyota Innova na may plakang  YOU 778 at patungo dito sa Isabela ay agad silang naglatag ng checkpoint sa barangay  Bugallion Norte, Ramon.

Namataan ng mga kasapi ng Ramon Police Station ang getaway vehicle ng mga suspek ngunit sa halip na huminto sa checkpoint ay pinaharurot ang kanilang sasakyan.

Tinugis ng mga pulis ang mga holdaper kung saan nagkaroon engkuwentro na nagresulta sa  pagkadakip nina   Jayson Saringan, 29 anyos, may-asawa at  Edmar De Castro , 32 anyos  habang namatay sa engkuwentro ang isa  nilang kasama na nakilala lamang sa pangalang  Cris at nakatakas ang isa pa  nilang kasamahan.

--Ads--

Nasugatan din si PStaff Sgt. Richard Gumarang na agad dinala sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay

Nakuha sa loob ng sasakyan ng mga pinaghihinalaan ang isang  M16 Armalite rifle  na may  serial number 973985

Nauna rito, ay hinoldap ng mga suspek si Lorena Carag, 45 anyos, dalaga, secretary ng RPF construction at residente ng Centro Solana, Cagayan sa parking area ng St.Peter Metropolitan Cathedral, Tuguegarao City

Tinangay umano ng mga suspek ang kanyang bag na naglalaman ng humigit-kumulang sampong libong pisong  cash, cellphone, ATM at IDs.