Patay ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos mabangga ng isang pampasaherong bus sa Brgy. Diamantina, Cabatuan, Isabela.
Kinilala ang driver ng motorsiklo na si Joseph Bajade, 20-anyos, magsasaka at residente ng nasabing barangay, habang angkas naman niya si Justine Malabad, 19-anyos, kapwa magsasaka mula sa Brgy. Rang-ay, Cabatuan.
Ayon sa imbestigasyon, binabaybay ng dalawa ang national road nang makasalubong ang isang Florida bus na minamaneho ni Erwin Arquillo, 47-anyos mula Aparri, Cagayan.
Isinugod pa sa Integrated Hospital sa San Mateo ang dalawang biktima ngunit idineklara ring dead on arrival.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Margarita Malabad, ina ng isa sa mga biktima, inamin niyang nakainom ang dalawa bago bumiyahe. Sinubukan pa umano niyang pigilan ang mga ito ngunit tumuloy pa rin patungo sa bahay ni Bajade sa Barangay Diamantina.
Dagdag pa niya, hangad ng kanilang pamilya na magkaroon na lamang ng maayos na pag-uusap ang magkabilang panig upang hindi na umabot pa sa korte ang kaso.
Write to Marjorie Dela Cruz











