Dalawang magsasaka ang nasawi sa pagkalunod sa Mallig River Irrigation System sa Barangay Turod, Quezon, Isabela bandang alas-6:30 ng gabi noong Pebrero 2, 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina Dionisio Portacio Parangan, 43-anyos, may asawa, at Angelo Macaranas Parangan, 24-anyos, binata, kapwa magsasaka at residente ng Barangay Turod.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na nangingisda si Dionisio Parangan sa nasabing lugar kasama ang kanyang anak na si alyas “Jl”, 18-anyos. Habang nasa tubig, lumubog umano si Dionisio at hindi na muling lumitaw.
Humingi ng tulong ang anak ng biktima, dahilan upang rumesponde si Angelo Parangan upang magsagawa ng rescue. Subalit nalunod din si Angelo habang tinatangkang sagipin ang unang biktima.
Narekober ang mga katawan ng dalawang biktima at agad na isinugod sa Quezon Community Hospital, subalit idineklara silang patay sa kabila ng isinagawang revival.
Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na mag-ingat sa pangingisda at pagligo sa mga ilog at irrigation system, lalo na sa mga lugar na may malalim at malakas na agos.











