--Ads--

Dalawang suspek ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng Echague Municipal Police Station matapos umanong magpaputok ng baril ang isa sa kanila sa mga rumespondeng pulis sa isang firing range sa Barangay Arabiat, Echague, Isabela.

Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa ilang kalalakihang namataan sa paligid ng firing range na tila may hinahanap. Nang dumating ang mga awtoridad, nagtakbuhan ang mga suspek sa magkakaibang direksiyon. Habang tumatakas, isa sa kanila ang umano’y nagpaputok ng baril nang dalawang beses patungo sa mga pulis.

Naaresto sa lugar ang unang suspek na kinilala sa alyas na “Mark,” 21 taong gulang at residente ng Barangay Naggasican, Santiago City. Nakumpiska mula sa kaniya ang isang caliber .45 Springfield Armory pistol na may bala sa chamber at magazine na naglalaman ng dalawang live ammunition.

Samantala, sa isinagawang hot pursuit operation ng Echague MPS, katuwang ang Santiago City Police Office, naaresto rin dakong alas-12:30 ng tanghali sa Barangay Naggasican ang isa pang suspek na si alyas “Jake.” Patuloy namang pinaghahanap ang tatlo pang suspek na kinilala sa mga alyas na “Niko,” “Marlon” at “Mike.”

--Ads--

Bukod sa baril at mga bala, nakarekober din ang mga awtoridad ng isang Skygo motorcycle na walang plaka at isang Yamaha Mio Sporty. Nagsagawa rin ng crime scene processing ang Santiago City Forensic Unit at nakarekober ng dalawang fired cartridge case at isang live round ng caliber .45 ammunition.

Posibleng maharap ang mga naarestong suspek sa kasong direct assault, paglabag sa Section 29 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at trespass to dwelling, depende sa resulta ng imbestigasyon at kaukulang legal na proseso.