--Ads--

Kakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ng human trafficking ang dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor kaugnay sa ni-raid na KTV bar at Hotel sa Pasig City noong nakaraang linggo.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, isasama si Defensor bilang respondent sa mga kasong ihahain sa susunod na linggo sa Inter-Agency Council Against Trafficking sa Department of Justice (DOJ).

Lumabas sa imbestigasyon na may direktang koneksyon umano ang dating kongresista sa establisyementong sinalakay kamakailan, kung saan nasagip ang 54 kababaihang biktima ng sexual exploitation.

Sinabi ng NBI na ang naturang property ay 99% pag-aari ng gobyerno at nasa ilalim ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ngunit inupahan ng isang kumpanya na sinasabing may kaugnayan kay Defensor.

--Ads--


Ayon pa sa ahensya, humigit-kumulang 75% ng kumpanyang ito ay pag-aari umano ng dating mambabatas, at may koneksyon din sa iba pang kompanyang naka-link sa kanyang pamilya.

Nauna nang sinampahan ng reklamo ang asawa niyang si Julie at anak na si Miguel Defensor sa Pasig City Prosecutor’s Office kaugnay sa umano’y sex exploitation sa nasabing mga establisyemento.