Kumpiyansa ang Philippine National Police (PNP) na nasa loob pa rin ng bansa ang dalawang high-profile na hinahanap ng batas na sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at negosyanteng si Atong Ang.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., malabo umanong bumalik si Bantag sa Cordillera, taliwas sa naunang pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na posibleng itinatago ito ng isang tribo sa kabundukan.
Tiniyak din ni Nartatez na may nakahandang estratehiya ang PNP upang madakip si Bantag at maging si Ang.
Samantala, sinabi ni Nartatez na nakapagsagawa na sila ng hindi bababa sa 10 operasyon para matunton si Ang, subalit lahat ng ito ay hindi nagtagumpay.
Gayunpaman, patuloy ang mas pinaigting na paghahanap ng pambansang pulisya sa dalawang wanted na personalidad.
Dagdag pa ng PNP chief, nakatakdang maglaan ng humigit-kumulang ₱500 hanggang ₱600 milyon para sa pagbili ng mga drone, na kukunin mula sa insurance proceeds ng mga naunang nasirang aircraft ng ahensya.











