Dinumog ng mga residente at motorista ang isinagawang simulation exercise ng Philippine National Police (PNP) sa lungsod ng Cauayan kahapon, Abril 14, matapos akalain ng ilan na totoong insidente ang nagaganap.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Plt. Col. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi nito na bahagi lamang ng kanilang regular na aktibidad ang naturang simulation exercise bilang paghahanda sa mga posibleng totoong insidente sa hinaharap.
Ayon kay Plt. Col. Canceran, kabilang sa isinagawang senaryo ang pagtugis sa isang armadong suspek kung saan may ginamit na baril na kalaunan ay “na-recover” bilang bahagi ng simulation.
Ipinaliwanag din niya na ang aktibidad ay naka-iskedyul at bahagi ng direktiba mula sa regional office, kung saan isinagawa rin ito sa iba pang bayan tulad ng Roxas.
Tiniyak naman ng opisyal na may sapat na abiso sa publiko ang naturang aktibidad, kabilang ang paglalagay ng signage na nagsasaad na ito ay simulation lamang. Gayunman, napansin na may pagkakataong natatanggal ang mga paalala kaya nagdulot ito ng kalituhan sa ilang residente.
Dahil dito, may ilan sa mga nakasaksi ang nag-akala na may aktwal na krimen na nagaganap, dahilan upang magtipon-tipon ang mga tao sa lugar.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng pulisya na mahalaga ang ganitong mga pagsasanay upang mas maging handa ang kanilang hanay sa pagtugon sa mga tunay na insidente at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.











