Inihayag ng mga Persons With Disabilities (PWD) athletes na naging makabuluhan at masaya ang kanilang paglahok sa CAVRAA 2026 Paralympics Games matapos makapag-uwi ng mga gintong medalya, na inialay nila sa mga sumuporta at gumabay sa kanilang paglalakbay sa palakasan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mae Cariaga ng SDO Cauayan, na nakakuha ng dalawang gintong medalya, na sa kabila ng mga hamon sa ensayo tulad ng matinding init na nagdulot ng iritasyon sa kanilang mga mata, hindi sila sumuko dahil sa suporta ng kanilang mga coach at paniniwala sa sariling kakayahan.
Ayon pa kay Cariaga, malaki ang naging papel ng kanilang mga coach dahil hindi sila pinipilit na manalo, kundi binibigyan ng pagkakataong maranasan ang kompetisyon at matuto mula sa bawat laban.
Samantala, nakapag-uwi rin ng dalawang gintong medalya si Jaymark Agraan na ayon sa kanya, nais niyang hikayatin ang kapwa PWD at kabataan na sumali sa mga ganitong palaro upang maipakita ang kanilang kakayahan at magkaroon ng mas malawak na karanasan sa sports.
Dagdag pa ni Agraan, ang paglahok sa sports ay hindi lamang tungkol sa panalo, kundi sa pagtuklas ng sariling kakayahan, pagbuo ng kumpiyansa, at paghubog ng disiplina.
Hinikayat din niya ang mga kabataan na huwag matakot sumubok dahil ang bawat pagkakataon sa sports ay hakbang tungo sa mas malaking tagumpay.
Sa Elementary Level, namayani rin ang husay ni Liean Joy Lugo, 13 taong gulang at isa sa pinakabatang atleta ng SDO Cauayan sa Para Games, matapos makapag-uwi ng tatlong gintong medalya.
Nakapag-ambag din ng karangalan si Mara Corsino na nakakuha ng dalawang gintong medalya, si Edmar Gamal na nakapagkamit ng Isang gintong medalya habang nag-uwi rin ng silver medals sila Celso Castillo, at Ronalyn Gajas sa boys and girls running events.
Ayon sa mga coach na sina Ginang Rose Angeli Baysa, Gemmelyne Esteban, Josephine Cauilan, at Marites Abalos, ang tagumpay ng mga atleta ay bunga ng kanilang dedikasyon, disiplina, at patuloy na paggabay sa kanilang training.
Ipinakita ng mga PWD athletes na ang kapansanan ay hindi naging hadlang sa tagumpay, kundi nagsilbing inspirasyon upang ipamalas ang tibay ng loob, determinasyon, at kakayahang magtagumpay sa larangan ng palakasan.
--Ads--





