Hinatulan ng isang korte sa Sri Lanka ng parusang kamatayan ang dating hepe ng pambansang pulisya na si Pujith Jayasundara at dating Defense Ministry Secretary na si Hemasiri Fernando matapos silang mapatunayang nagkasala sa criminal negligence kaugnay ng Easter Sunday bombings noong 2019 na ikinasawi ng daan-daang katao.
Ang hatol ay inilabas ng tatlong miyembrong High Court bench sa botong 2-1 noong Biyernes matapos baligtarin ang naunang desisyon noong 2022 na nagpawalang-sala sa dalawang opisyal.
Lumabas sa imbestigasyon na nabigo umano ang mga pulis at intelligence officials na aksyunan ang mga babala tungkol sa nalalapit na pag-atake bago maganap ang serye ng pambobomba.
Sa pagdinig ng kaso, isiniwalat na nagbigay ng babala ang isang intelligence agency ng India noong Abril 4, 2019 tungkol sa posibleng suicide attack, ngunit hindi ito agad naaksyunan ng mga awtoridad ng Sri Lanka.
Ayon sa abogado ng dalawang opisyal na si Chaminda Athukorale, maghahain sila ng apela sa loob ng dalawang linggo. Aniya, nakasaad sa dissenting opinion ng isa sa mga mahistrado na walang motibo ang dalawa upang pumatay at wala rin silang direktang kaugnayan sa mga nagsagawa ng pambobomba.
Nauna nang inatasan sina Fernando at Jayasundara sa isang civil case na magbayad ng kabuuang 125 milyong Sri Lankan rupees bilang danyos sa mga nakaligtas sa pag-atake.
Isinagawa ang Easter Sunday bombings sa tatlong hotel na dinarayo ng mga turista at tatlong simbahan, kabilang ang dalawang Katoliko at isang Protestante. Sa kabuuan, 279 katao ang nasawi, kabilang ang 45 dayuhan, habang mahigit 500 iba pa ang nasugatan.
Dalawang grupong nakabase sa Sri Lanka na umano’y inspirasyon ng Islamic State (IS) ang itinurong responsable sa mga pag-atake. Gayunman, sinabi ng Simbahang Katolika sa Sri Lanka na ang mga natukoy na salarin ay maaaring hindi ang tunay na utak ng naturang trahedya at posibleng may mas malawak pang sabwatan sa likod nito.
Bagama’t hinatulan ng kamatayan ang dalawang opisyal, bihira nang maisagawa ang death penalty sa Sri Lanka dahil umiiral ang moratorium sa mga pagbitay mula pa noong 1976. Dahil dito, karaniwang nauuwi sa habambuhay na pagkakakulong ang mga nahahatulan ng parusang kamatayan.
Ayon sa datos ng pamahalaan na ibinahagi sa parlamento noong Pebrero, may hindi bababa sa 800 bilanggo ang kasalukuyang nasa death row sa Sri Lanka.






