--Ads--

Nababahala ang kampo ni Vice President Sara Duterte matapos umano silang makatanggap ng mensahe mula sa isang account na pinaniniwalaang pag-aari ng dating household staff ng bise presidente bandang alas-11:19 kagabi, Nobyembre 16.

Ayon sa pahayag ng kampo, humihingi umano ng agarang tulong ang naturang dating staff dahil nasa kustodiya o kontrol siya ng ilang indibidwal na nagbanta sa kanyang buhay.

Ibinahagi rin umano nito na pinipilit siyang lumagda sa isang dokumento, subalit tumanggi siya.

Inihalintulad naman ng kampo ni Duterte ang insidente sa sinapit ni Jefry Tupas, na ayon sa kanila ay sinabihan umano ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Setyembre 29 na nanganganib ang kanyang buhay bago tangkaing dalhin sa Maynila.

--Ads--

Sa ngayon, sinabi ng kampo ng bise presidente na hindi pa nila matukoy ang kinaroroonan at tunay na kalagayan ng dating staff.

Hinala rin ng kampo na posibleng bahagi ang insidente ng umano’y patuloy na kampanya ng administrasyon laban kay Duterte sa pamamagitan ng paggamit sa mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang NBI, upang gipitin at piliting tumestigo ang ilang indibidwal laban sa bise presidente.

Dahil dito, nanawagan ang kampo ni Duterte sa mga kinauukulan na tiyakin ang kaligtasan at kalayaan ng naturang dating staff.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang NBI at iba pang kinauukulang ahensya kaugnay ng mga alegasyon.