--Ads--

Hindi pa nakatatanggap ng social pension ang halos 12,000 senior citizen sa Cauayan City, matapos lumitaw na nasa halos 5,000 pa lamang sa tinatayang 17,000 senior citizen sa lungsod ang kabilang sa mga benepisyaryo ng programa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega, sinabi nitong napag-usapan sa kanilang pagpupulong ang kalagayan ng mga senior citizen na hindi pa nakatatanggap ng buwanang tulong pinansyal mula sa pambansang pamahalaan.

Ayon kay SP Member Arcega, mahalagang matukoy kung sinu-sino sa mga hindi pa nakatatanggap ng social pension ang kwalipikadong maisama sa programa, dahil hindi awtomatikong nabibigyan ng benepisyo ang lahat ng nakarehistrong senior citizen.

Ipinaliwanag din nito na kabilang sa mga pinagkukunan ng datos sa pagtukoy sa mga potensyal na benepisyaryo ang Philippine Statistics Authority o PSA at ang Community-Based Monitoring System o CBMS, na ginagamit sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa mga residente at kanilang kalagayan sa bawat lokalidad.

--Ads--

Sa ilalim ng bagong alituntunin ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 22, Series of 2026, gagamitin ang listahan ng mga senior citizen na nakapaloob sa CBMS bilang pangunahing batayan sa pagtukoy ng mga posibleng benepisyaryo.

Kabilang sa paunang sinusuri ang mga senior citizen na edad 60 pataas na walang natatanggap na pension mula sa Government Ids at iba pang kinikilalang pension providers.

Makikipag-ugnayan din ang DSWD Social Registry Office sa PSA upang tiyakin ang pagkakatala ng mga potensyal na benepisyaryo sa birth registry o National ID registry at matiyak na hindi sila kabilang sa talaan ng mga pumanaw.

Matapos ang paunang pagsusuri, bibigyang-prayoridad ang mga senior citizen na edad 70 pataas, na pagbabatayan ang pagkakasunod-sunod mula sa pinakamatanda pababa sa mas bata. Gayunman, hindi nangangahulugang hindi na maaaring maisama sa programa ang mga nasa edad 60 hanggang 69 dahil maaari pa rin silang maging kwalipikado kung matutugunan ang mga itinakdang pamantayan.

Bukod sa edad at kawalan ng pension, kinakailangan ding matukoy kung ang aplikante ay mahina ang pangangatawan, may karamdaman o kapansanan, walang regular na pinagkukunan ng kita at walang sapat na suportang pinansyal mula sa pamilya o kamag-anak upang matugunan ang pangunahing pangangailangan.

Hindi rin sapat ang pagkakaroon lamang ng pangalan sa CBMS upang awtomatikong maging benepisyaryo dahil kailangan pa ring dumaan sa aktuwal na validation at assessment ng mga kinauukulang tauhan ng DSWD.

Sa prosesong ito, personal na ibeberipika ng DSWD Regional Social Pension Unit, katuwang ang lokal na pamahalaan, kung buhay pa ang aplikante, naninirahan pa rin sa address na nakatala sa kanilang rekord at natutugunan ang iba pang kwalipikasyon ng programa.

Maaari ring magsagawa ng home visit at makipag-ugnayan sa mga miyembro ng pamilya, opisyal ng barangay at mga kinatawan ng Barangay Senior Citizens Association upang makumpirma ang aktuwal na kalagayan ng aplikante.

Kung hindi matagpuan ang isang potensyal na benepisyaryo sa unang pagbisita, kailangang magsagawa ng karagdagang pagtatangka ang mga kinauukulan upang mahanap ito sa loob ng pitong working days, kabilang ang hindi bababa sa tatlong pagtatangkang pagbisita sa tirahan at pakikipag-ugnayan sa mga kamag-anak at barangay.

Tanging ang mga senior citizen na makapapasa sa validation at assessment ang isasama sa opisyal na listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Samantala, nagkakahalaga ng isang libong piso kada buwan ang social pension ng bawat kwalipikadong indigent senior citizen alinsunod sa Republic Act 11916. Maaari itong ipamahagi kada dalawang buwan o quarterly alinsunod sa iskedyul at mga patakaran ng programa.

Layunin ng programa na matulungan ang mga mahihirap at higit na nangangailangang senior citizen sa pagtugon sa kanilang pang-araw-araw na gastusin, partikular sa pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

Wala pang tiyak na petsang maibibigay kung kailan maaaring magsimulang makatanggap ng social pension ang mga senior citizen na hindi pa kabilang sa kasalukuyang listahan ng mga benepisyaryo.

Nakadepende ang kanilang posibleng pagkakasama sa programa sa resulta ng validation at assessment ng DSWD, gayundin sa pag-apruba at pagkakaroon ng available na pondo at slot para sa mga bagong benepisyaryo.

Kapag naaprubahan at naisama na sa opisyal na listahan, saka pa lamang matutukoy ang kanilang unang payout batay sa iskedyul ng pamamahagi ng DSWD.