Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na amyendahan ang E-Court Protocol upang mas higpitan ang beripikasyon ng mga open-source at user-generated materials na inihahain bilang ebidensya.
Ayon sa depensa, may mga isinumiteng ebidensya ang prosekusyon na umano’y may kakulangan, kabilang ang malabong dokumento, audiovisual files na walang transcript o salin, at mga dokumentong magkakahiwalay ang reference number kahit bahagi ng iisang rekord.
Sinabi rin ng depensa na mahigit 25,000 evidence items na ang naisumite sa kaso at inaasahan pang madaragdagan ng humigit-kumulang 200 gigabytes na materyal.
Dahil dito, iminungkahi nila ang pagdaragdag ng “Expert Verification” field na maglalaman ng impormasyon tungkol sa pinagmulan ng materyal, chain of custody, metadata, posibleng pag-edit o manipulasyon, at detalye ng ekspertong nagsuri rito.
Iginiit ng depensa na mahalagang matiyak ang pagiging maaasahan at kaugnayan ng mga ebidensya upang makatulong sa paghahanap ng katotohanan at mapanatili ang integridad ng proseso ng hukuman.
Nasa kustodiya ng ICC si Duterte mula Marso 2025 kaugnay ng kasong crimes against humanity, habang nakatakdang magsimula ang kanyang paglilitis sa Nobyembre 30.










