--Ads--

Humihiling ang Department of Education o DepEd ng hiwalay na pondo para sa school safety sa panukalang 2027 national budget upang matugunan ang mga kakulangan sa seguridad sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa mga mambabatas upang magkaroon ng nakalaang budget line para sa mga programang naglalayong mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

Kabilang sa mga planong pondohan ang pagkuha ng mga security guard, School Counselor Associates, paglalagay ng CCTV cameras, perimeter fences at mga walk-through at handheld metal detector.

Sinabi ni Angara na mahalaga ang sapat at tuloy-tuloy na pamumuhunan para sa seguridad, kahandaan sa krisis, emergency response, pagsasanay ng mga personnel at suporta sa mga mag-aaral.

--Ads--

Bukod sa pambansang pondo, hinihikayat din ng DepEd ang mga local government unit na gamitin ang kanilang Special Education Fund o SEF upang matugunan ang agarang pangangailangan sa seguridad ng mga paaralan.

Ayon sa kagawaran, karamihan sa mga paaralan ay umaasa lamang sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE, na kadalasang nakalaan para sa utilities, instructional materials at iba pang gastusing administratibo.

Kasama rin sa panukala ang pagpapalawak ng deployment ng School Counselor Associates upang makatulong sa maagang pagtukoy ng mga behavioral concerns, bullying at mental health issues ng mga mag-aaral.

Binigyang-diin ng DepEd na ang panukalang pondo ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan upang mapalakas ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral sa buong bansa.