--Ads--

Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nananatiling nakabatay sa 1975 Philippines-China Joint Communique ang pagsunod ng Pilipinas sa One China Policy.

Ayon sa ahensya, nakasisira sa tiwala ng dalawang bansa ang umano’y mapanulsol at hindi diplomatikong tono ng mga pinakahuling pahayag ng Chinese Embassy, na maaari ring makaapekto sa pagsisikap na mapabuti ang ugnayan ng Pilipinas at China.

Bagama’t pinahahalagahan ng Pilipinas ang relasyon nito sa China, binigyang-diin ng DFA na hindi nakatutulong sa maayos na ugnayang diplomatiko ang ganitong mga pahayag at maaari pang makaapekto sa pagtupad ng mga tungkulin ng mga kinatawan ng dalawang bansa.

Muling kinilala ng Pilipinas ang People’s Republic of China bilang tanging legal na pamahalaan ng China, habang iginagalang ang posisyon ng Beijing na iisa lamang ang China at bahagi nito ang Taiwan.

--Ads--

Inulit din ng DFA ang pahayag nito noong Oktubre 15 at pinaalalahanan ang lahat ng diplomat na nasa bansa na maging maingat, responsable at propesyonal sa kanilang mga pampublikong pahayag, lalo na sa social media.

Ipinahayag ng ahensya na nakahanda itong magsagawa ng karagdagang diplomatikong hakbang kung kinakailangan.