--Ads--

Nagbabala ang Chinese Embassy sa Manila na gagantihan nito ng kaparehong hakbang ang Pilipinas kung ideklarang persona non grata ang kanilang ambassador na si Jing Quan.

Sa post nito sa Facebook nitong Martes, sinabi ng embahada, “Since you don’t welcome us, we don’t welcome you, either. Fair enough,” kasabay ng paglalakip ng kopya ng resolusyong inihain ni Senador Risa Hontiveros.

Sa Senate Resolution No. 746, hiniling ni Hontiveros kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa pamahalaan ng China na i-recall ito.

Lumakas ang panawagan laban sa Chinese envoy matapos ang pahayag nitong madaling mananalo ang Beijing kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas.

--Ads--

Una nang sinabi ng Malacañang na hindi nais ng Pangulo na magdeklara ng persona non grata laban sa sinumang dayuhang diplomat sa ngayon, dahil mas nais nitong tugunan ang mga usapin sa pamamagitan ng diplomatikong paraan.